Questions about Estatwa, Larawan, Imahe ng mga katoliko. by: Carlo Cortez
Ito ang pinaka-karaniwang maririnig mo na reklamo o batikos ng mga taga-ibang relihiyon tungkol sa ating pananampalataya. Bakit dw may mga larawan tayo eh ayon sa nakasulat sa Exodo 20 ay bawal ang paggawa ng anumang larawan at ang pagsamba sa mga ito.
Heto ang ilang mga halimbawa ng dapat isasagot ninyo kung sakaling makakaenkwentro kayo nito sa inyong mga kakilala o kaibigan.
Tanong: Bakit kayo gumagawa ng larawan? Bawal iyan sa Bibliya, nakasulat sa Exodo 20:4 o, "Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan".
Sagot: Kung all-out bawal pala yan, hindi na rin sana pinaggawa ng Diyos yung mga kerubin sa Exodo 25:18 at ang ahas na tanso sa Numeros 21:8-9 . Mga larawan din ang mga iyon eh. Kung pinaggawa ng Diyos ang mga larawang iyon, eh ibig sabihin nun eh hindi yung mga larawan mismo ang bawal. Pero nakasulat diyan sa binasa mo na bawal gumawa ng larawan. Kung ganyan edi magkakakontra ang sinasabi ng Diyos sa Bibliya o kaya eh masasabi natin: "Makakalimutin yata ang Diyos sa sinabi niya". Hindi naman pwedeng ganon, di ba?
May sentido komon ang Diyos, na higit na sa atin. Para mapatunayan nating di sinungaling ang Diyos, tingnan natin kung anong klaseng larawan ang di niya pinapaggawa, heto sa Exodo 20:4-5:
"Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng
anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig
sa ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila."
Hindi kumpleto ang binigay mong talata. Hindi mo dinugtong yung kasunod na talata na nagsasabi na pinagbabawal ng Diyos na yukuran at paglingkuran sila. Iyon ay ang mga larawan na nagnanakaw ng paggalang at pagsamba na dapat ay para sa Diyos.
Tanong: Hindi ba't ang inyong mga larawan ay nagnanakaw din ng pagsamba na para lang sa Diyos? Hayan nga't niluluhuran at niyuyukuran ninyo ang mga iyan.
Sagot: Hindi porke't niluluhuran o niyuyukuran ay sinasamba na. Mababasa sa Bibliya na may pagyukod na hindi pagsamba. May pagyukod bilang tanda ng paggalang. Mababasa ito sa Exodo 18:7
"At si Moises ay lumabas na sinalubong ang kaniyang biyanan, at kaniyang niyukuran at hinalikan."
(Exodo 18:7)
Hindi ibig sabihin na dahil niyukuran ni Moises ang kaniyang biyenan ay Diyos na ang turing ni Moises sa kanyang biyenan. Hindi. Ang pagyukod at pagluhod ay mga tanda ng pagpapakita ng paggalang. Ganoon din sa amin. Ginagalang namin ang mga larawan ng mga banal dahil higit pa silang dapat igalang kaysa sa mga tao rito sa lupa dahil sila'y pinarangalan na ng Diyos.
Tanong: Ngunit ang pagyukod ay senyales ng pagsamba, hindi ba? May posibilidad na sinasamba ninyo ang mga larawang iyan!
Sagot: Kahit na senyales ng pagsamba ang pagyukod at pagluhod, wala kang kakayahang malaman o karapatang magdesisyon na sumasamba ang isang taong gumagawa niyaon. Ang pagsamba ba ay nakikita sa panlabas na anyo? Hindi ba ang pagsamba ay nangyayari sa loob ng tao? Nakasulat sa Mateo 22:37
"Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong
kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo."
Iyan ang pagsamba, ito ang nangyayari sa loob ng tao. Walang outer bodily gestures ang makakapatunay na ang isang tao ay sumasamba. Kahit ang Bibliya ay umaamin na ang pagyukod ay di isang eksaktong deskripsyon ng pagsamba, nakasulat sa 2 Hari 5:18-19
""At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba,isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon." Sinabi sa kanya ni Eliseo, "Humayo kang payapa." "
Si Naaman ay isang opisyal ng hari ng Assyria na obligadong yumukod at lumuhod sa templo sa Rimon ngunit sa puso niya ay di siya sumasamba sa paganong dios doon. Dito natin makikita na ang pagluhod at pagyukod ay mga bodily gestures na hindi esensyal sa pagsamba, kasama na ang lahat ng mga bodily gestures tulad ng paghalik, pagpunas, pagbigkas ng dasal atbp. Kaya napakamali sa iyo kung sasabihin mong sinasamba ng isang katoliko ang isang larawan dahil lang sa nakita mo siyang nakaluhod sa paanan nito. Itigil niyo na ang panghuhusgang ganito dahil hindi iyan ang kalooban ng Panginoon na nagsasabi sa Juan 7:24
"Huwag na kayong humatol batay sa nakikita, kundi humatol kayo ayon sa nararapat."
Tanong: So paano ninyo malalaman na ang isang Katoliko ay sumasamba sa isang larawan kung di pala senyales ng pagsama ang pagluhod, pagyukod, paghalik etc?
Sagot: Kung aaminin ng debotong katoliko sa pamamagitan ng pagsasalita na ang mismong larawan ang sinasamba niya. Nakasulat kasi sa Bibliya, sa Mateo 12:34
"Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig."
Ito ay patunay na sinasamba talaga ng taong iyon ang larawan. Gayunpaman, kung magtatanong ka sa maraming katoliko kung sinasamba ba nila ang mga larawan, tatanggi sila o di kaya ay magdadalawang-isip sila sa isasagot sa iyo. Tanda na rin ito na wala talaga sa isipan o sa consciousness nila ang pagsamba sa mga larawan, dahil kung talagang itinuturo sa mga katoliko na dapat sambahin ang larawan, madali lang mapakanta ang maraming katoliko tungkol rito.
Subukan mo, magtanong ka sa isandaang katoliko, malamang lahat o karamihan ay magsasabing "hindi ko sinasamba ang mga larawan"
Tanong: Di ba ayon sa Bibliya "SELOSO" ang Diyos? (see Exodus 20:5) Di ba kapag nagselos ang asawa mo ibig sabihin ino-offend mo siya dahil may tinitingnan o minamahal kang iba? Gusto niyo bang i-offend ang Diyos?
Sagot: Ang kaibahan naman ng asawa mo at ng Diyos ay ito: ang asawa mo ay tao. Ang Diyos ay Diyos. Ang asawa mo nagseselos kahit hindi pa alam o nauunawaan kung ano ang buong sitwasyon. Pwedeng pagselosan ng asawa mo ang maganda o gwapo mong pinsan kasi di niya alam na pinsan mo pala ito. Limitado ang kaalaman ng iyong asawa.Pwede siyang magselos kahit walang sapat na ebidensya o kahit wala kang ginagawang masama
Iba naman ang Diyos. Ang Diyos alam niya ang lahat. Hindi kasi magkatulad ng pag-iisip ang tao at Diyos. Nasusulat:
Sapagka't ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon. Sapagka't kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip" (Isaias 55:8-9)
Kaya pwede lang magselos ang Diyos kung mayroon ka talagang "ibang dios", na binabawal niya. At kapag may iba kang dios, siyempre ang dios na iyon ang mahal mo ng buo mong pagkatao. Kapag itinuring mo ang isang larawan na dios, siyempre magseselos ang Diyos, kasi duon ka nagtuturing ng pagmamahal mo. Doon lang balidong magseselos ang Diyos.
Pero kung alam ng Diyos na Siya ang mahal mo, at ang mga larawang iyon ay nagpapaalala sa isipan mo sa Kanya. bakit siya magseselos? Magseselos ba ang isang pintor kapag buong araw na tinitingnan at hinahangaan ng mga tao ang mga ipininta niya? Magseselos ba ang magulang kahit ilang ulit pa tumuntong ng stage para sabitan ng medalya ang anak nila?
Si Satanas ba ang naiisip at pinupuri natin kapag nakakakita tayo ng mga santo't santa sa Simbahan? Si Shiva ba ang hinahangaan natin kapag nakita natin ang imahen ni Birhen Maria? Kay Buddha ba tayo napapaisip kapag nakikita natin ang larawan ng Itim na Nazareno?
Tanong: Ano pa ang maipapatunay mo na di mali ang paggamit ng larawan sa inyong relihiyon?
Sagot: Ang aming relihiyon ay mayaman sa kasaysayan at tradisyon dahil ito ang pinakauna at pinakamarami nang naranasan sa napakatagal na panahon. Kaya hindi kataka-takang umaapaw sa disenyo ang aming malalaking mga Simbahan, kasama na ang mga imahen ng mga taong di mo marahil kilala. Ang isang matanda at marangyang bahay ay makikilalang mas may mayamang kasaysayan kaysa sa isang bagong gawang kuwartong paupahan. Kaya may estatwa tayo ni Rizal ay dahil may totoong Rizal na nabuhay at naging magiting para sa bayan, kasama na ang lahat ng mga bayani. Sa parehong paraan, kaya kami may mga estatwa ng aming mga banal dahil totoo sila at nabuhay silang minsan at naging magigiting din para sa kaharian ng Diyos. Naniniwala kaming sila ay nasa langit na't kapiling ng Diyos at nagdarasal para sa amin.
Tanong: Hindi ba't dios-diosan ang inyong mga larawan? Kasi, sa lumang panahon sa Greece at Roma ay mga anyong tao din ang kanilang mga dios-diosan at naniniwala silang sila rin ay nasa langit na.
Sagot: Hindi mahahalintulad ang mga santo sa mga dios-diosan ng mga pagano noon. Kasi ang mga dios-diosan ng mga pagano ay hindi totoo at hindi kailanman nairecord sa history na nabuhay. Ito rin ang dapat na gawing batayan kung ano talaga ang isang dios-diosan at ano ang hindi. Nakasulat sa 1 Corinto 8:4
"Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos."
Hindi totoo ang mga dios-diosan, kaya sina Zeus, Hera, Diana at iba pa ay dapat lang tawagin na mga dios-diosan dahil sila ay mga kathang-isip lamang at gawa-gawa ng mga sinaunang tao. Sa kabilang banda, sina St Francis of Assisi, St Ignatius, St Bernadette atbp ay mga taong totong nabuhay at namatay sa mundong ito, kaya di sila kasali sa hanay ng mga dapat tawaging "dios-diosan", ayon na rin sa kategoryang sinasabi ng Bibliya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento