Miyerkules, Marso 13, 2013

Ang Pagdadasal

Ang pagdadasal ay isang paraan ng komunikasyon natin sa ating panginoon.
Sa biblia marami tayong mababasa ukol sa pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Maaari itong paghingi ng tulog, pasasalamat, o kaya naman paghingi tawad.
Isa sa mga napakagandang dasal na aking nabasa sa lumang tipan ay ang awit sa pagpapasalamat sa kabutihan ng Diyos.

Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
1 Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas, tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan, upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan, sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit, kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim, may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa, at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito--- sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila, pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap, nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap, kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim, sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya, maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17 May nangagkasakit, dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway, ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo, di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay, sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog, na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa niya'y ibalita, umawit sa galak!
23 Mayroong naglayag na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos, nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib, ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag, kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas, pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon, na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na, sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin sa kalipunan man ng mga matanda.
33 Nagagawa niyang tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang lupang mataba, kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang, nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon, ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid, nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin pati mga baka sa kanilang kawan.
39 Kapag pinahiya ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan, yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig ng mga masama at taong pahamak.
43 Kayong matalino, ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh na di kumukupas ay inyong tanggapin.

Isa lamang ito sa panalangin na ating mababasa sa aklat ng mga awit.
 

Nanalangin si Abraham Alang-alang sa Sodoma
               16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma. 17 Sinabi ni Yahweh, "Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, 18 sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain. 19 Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya."
               20 Kaya't sinabi ni Yahweh, "Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. 21 Kaya't bababa ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila."
               22 Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. 23 Itinanong ni Abraham, "Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? 24 Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? 25Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!"

Nanalangin si Moises.
Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, "Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto.  Ipinapakiusap ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan."
Sumagot si Yahweh, "Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan."

Tingnan naman natin ang panalangin ni Habakuk.
Ang Panalangin ni Habakuk
1 Ito ay panalangin ni Propeta Habakuk:
2 O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,
at ako'y lubos na humanga.
Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon
ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.
Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
3 Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,
ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.
Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,
at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
4 Darating siyang sinliwanag ng kidlat,
na gumuguhit mula sa kanyang kamay;
at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.
5 Nagpapadala siya ng karamdaman
at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.
6 Huminto siya at nayanig ang lupa;
sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.
Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;
ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog---
mga daang nilakaran niya noong unang panahon.
7 Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,
at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.
8 Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?
Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?
Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,
at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,
habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
9 Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,
at inihanda ang inyong mga palaso.
Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.
10 Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;
bumuhos ang malakas na ulan.
Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,
at tumaas ang along naglalakihan.
11 Ang araw at ang buwan ay huminto
dahil sa bilis ng inyong pana at sibat.
12 Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,
at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.
13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
14 Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,
nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.
Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
15 Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,
at bumula ang malawak na karagatan.
16 Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig;
nangatal ang aking mga labi dahil sa takot.
Nanghina ang aking katawan,
at ako'y nalugmok.
Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon
ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.
17 Bagama't di namumunga ang puno ng igos
at hindi rin namumunga ang mga ubas,
kahit na maantala ang pamumunga ng olibo
at walang anihin sa mga bukirin,
kahit na mamatay lahat ang mga tupa
at mawala ang mga baka sa kulungan,
18 magagalak pa rin ako at magsasaya,
dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin.
19 Ang Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas.
Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.

Sa bagong tipan ating mababasa na maging ang ating Panginoon Hesus ay nanalangin.

Maging ang ating Panginoon Hesus ay nanalangin. 
Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya'y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng mga sumusunod sa kanyang kalooban. 

Itinuri din ng ating Panginoong Hesus ang tamang pananalangin.
Katuruan Tungkol sa Pananalangin
               "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.  Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
               "Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin,
'Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa'y maghari ka sa amin.
Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw; 
 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
 At huwag mo kaming hayaang matukso,
kundi iligtas mo kami sa Masama!'

Kung ang ating Panginoon Hesus ay nagturo ng panalangin ganun din naman ang kanyang Ina.
Itinuro ni Birheng Maria ang pagrorosaryo.
Ito ay kanyang itinuro kay Sto. Domingo de Guzman upang  magbigay daan sa pagbabalik loob ng mga Albigensians at iba pang makasalanan.  

Ugaliin po nating magdasal upang gabayan tayo ng ating panginoon sa buhay natin dito sa mundo.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento